MUSH MUSH MUSH

masakit makaharap ang katotohanang
ikaw na iniibig ko ang nagdadala
sa akin ng panibugho
ikaw na inangkin ko sa aking panaginip
minahal kita sa di tamang panahon
na kahit bukas ay tila hindi
ipag-aadyang magkaroon ng kaganapan
ang mga hiling ko
na buong laya kong ipinahatid
sa bulong ng hangin at banayad na mga haplos
iniibig nga ba kita?

001
kahit ang dala ng damdamin ko’y
pawang pighati at panibugho
patuloy nga ba akong ngingiti?
hanggang sa tuluyang
lamunin ng panahon ang sakit
hanggang sa ang nakapapasong init
ay magdala sa akin ng tuwa
patuloy ba ang ganitong damdamin?
hanggang pawiin ng araw ang dilim
hangga’t akin ang damdaming ito
habang patuloy kang umuukilkil sa’king kabuuan
habang ang hapdi ay nagpapatuloy
bukas o hindi kailanman maganap
ang ako’y ibigin mo
patuloy akong mananangan sa damdamin ko sa iyo
wala nang mas sasarap pa
sa maririnig ko
mula sa mismong mga labing lumapat sa akin
ang mga kataga ng pag-ibig
para sa akin at hindi sa sinumang
iyong kapiling sa kasalukuyan
wala nang mas lilgaya pa sa damdamin ko
kung ang mga kamay mo’y
sa akin nakatangan at hindi sa kanya
kung ang mga mata mo’y
sa akin nakatitig
ang mga haplos at yakap mo’y akin
minsan at nakailang sandali ko nang nadama
ang iyong kabuuan
ngunit makailang libong ulit kong ibinulong sa hangin
na ika ‘y maging akin
kung kabaliwan ma’y
nais kong manatiling ganito
ang mawala sa sariling hibla ng katinuan
na ang laman ng isip ay ikaw
ang mabatid ito’y sapat
upang mapangiti ako sa gitna ng pagluha…